MUTHALÀ
nagninilay akong nakatutungà
pinagmamasdan ang mga muthalà
habang aking kinakatha sa diwà
ang luhang di masabi niring dilà
pawang unos sa búhay ang dumating
nadarama pa rin ang paninimdim
pag madaling araw ay nagigising
pag umaga na'y walang naglalambing
ninilay sa katanghaliang tapat
habang yaong muthala'y kalat-kalat
badyang walang unos sa hinaharap
tila baga langit ang nangungusap
maipagtatanggol ang karapatan
makata'y nasa rali sa lansangan
may muthalà sa sawing kapalaran
bawat sulirani'y may kalutasan
- gregoriovbituinjr.
03.23.2026
* muthalà - kalat-kalat na maninipis na ulap, mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.612

No comments:
Post a Comment