Posts

Idlip

Image
IDLIP kaytagal natulog / ng aking isipan sabay lang sa agos / na parang alamang tila di mabatid / ang kahihinatnan buti't iwing dangal / ang naging sandigan kayraming naisip / ngunit di malirip nakatunganga lang / sa kisame't atip ang bilog na buwan, / di man lang masilip nadama talaga'y / kaytagal naidlip nagawa'y itulâ / ang mga diwatà at ang rikit nila'y / nakakatulalâ ako'y patuloy lang / na sinasariwà ang pusong duhagi, / kakabit ma'y luhà ako'y nagigising / pag may kakathain pag aking narinig/ ang bulong ng hangin matapos masulat / ang hahalagahin tutulog na't diwa'y / pagpapahingahin - gregoriovbituinjr. 01.24.2026

Kahit saan sumuot

Image
kahit saan sumuot ay di makalulusot iyang mga kurakot na tuso at balakyot - tanaga-baybayin gbj/01.23.2026

Pasaring

Image
PASARING may pasaring muli ang komikero hinggil sa senaTONG na nakakulong di raw magtatagal sa kalaboso dahil sa kaytinding agimat niyon aba'y nagbiro pa si Mambubulgar sapul na sapul ang pinatamaan masa'y batid agad ang ibinulgar dahil headline naman sa pahayagan ngunit agimat ba'y tatalab kayâ sakaling siya'y makalaya agad? paano ang hustisya sa binahâ? dahil sa ghost flood control, anong bigat! o agimat ay sa pelikula lang? at di sa kurakot na puso'y halang? - gregoriovbituinjr. 01.21.2026 * mula sa pahayagang Bulgar, Enero 21, 2026, p.3

Tungkulin

Image
TUNGKULIN tungkulin ng bawat mandirigmâ bakahin ang burgesya't kuhilâ ipaglaban ang obrero't dukhâ at ang bayang api'y mapalayà bawat isyu ng madla'y mabatid di manahimik o maging umid ipagtanggol ang mga kapatid laban sa kaapihang di lingid tungkulin ng lider-maralitâ ang umugnay, makaisang diwà ang inaapi't nagdaralitâ dahil sistema'y kasumpâ-sumpâ niyayakap ang bawat tungkulin na pinagpasyahang tutuparin makauring prinsipyo'y baunin hanggang asam na hustisya'y kamtin tungkulin din ng bawat makatâ isyu ng masa'y tipuning sadyâ pagbaka'y ilarawan sa akdâ sanaysay, kwento, nobela't tulâ - gregoriovbituinjr. 01.20.2026

Ang sining

Image
ANG SINING halina magpatuloy tayong gumawa ng ingay laban sa mga kurakot na korapsyon na'y gamay lagi't lagi, sining ng pagtula'y isinasabay sa bawat rali, nang kurakot panaguting tunay kumilos tayo! at huwag manahimik na lamang! magalit tayo! singilin ang kurakot na iyan! lumabas tayo! karapatan nati'y ipaglaban! maningil tayo! panagutin ang mga kawatan! ang sining ay di lang upang aliwin ang sarili kundi ito'y isa sa palagi nating kakampi sa paglikha ng kasaysayan, tagos ang mensahe sa sambayanang kaytagal nang nagdurusa't api baguhin na ang sistema! hiyaw ng taumbayan! mga trapo't dinastiyang pulitikal, wakasan! lahat ng mga kurakot ay dapat parusahan! ikulong na 'yang mga kurakot! sigaw ng bayan! - gregoriovbituinjr. 01.19.2026

Patuloy lang sa pagkathâ

Image
PATULOY LANG SA PAGKATHÂ patuloy ang pagsusulat ng makatang nagsasalat patuloy na magmumulat upang isyu'y sumambulat patuloy na kumakathâ ng anumang isyu't paksâ hinggil sa obrero't dukhâ ikukwento, itutulâ na sa panitikan ambag na nais kong maidagdag saya, libog, dusa, hungkag, digmâ, ligalig, panatag ito na'y yakap kong misyon sulat, tulâ, kwento, tugon umaraw man o umambon para sa dalita't nasyon magdamag mang nagninilay akdang kwento't tula'y tulay sa masang laging kaakbay sa pagbaka man at lumbay - gregoriovbituinjr. 01.18.2026

Hustisya sa mga dalagita't batang pinaslang

Image
HUSTISYA SA MGA DALAGITA'T BATANG PINASLANG sa loob lang ng isang linggo'y nabalità dalawang kinse anyos yaong ginahasà at pinaslang, habang otso anyos na batà nama'y pinaslang ng tiyuhing walang awà ganyang mga ulat nga'y karima-rimarim nangyari sa kanila'y talagang kaylagim budhi ng mga gumawa'y uling sa itim kung ako ang tatay, mundo ko na'y kaydilim kung anak ko silang sa puso'y halukipkip  tiyak na nangyari'y di ko lubos maisip ilang araw, buwan, taon kong di malirip ang mga suspek na halang, sana'y madakip kung di man baliw, baka mga durugista yaong mga lumapastangan sa kanila ang maisisigaw ko'y  hustisya! hustisya! hustisya sana'y kamtin ng tatlong biktima! - gregoriovbituinjr. 01.17.2026 * headline sa pahayagang Pang-Masa, Enero 10, 2026, at pahayagang Bulgar, Enero 13 at 17, 2026