Tuesday, March 17, 2026

Awit ng tibak na Spartan

AWIT NG TIBAK NA SPARTAN

nakikibaka't palaban
kaming tibak na Spartan
na misyong itayo naman
ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
03.17.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa: https://www.facebook.com/share/v/19qPRk8zPc/ 

Monday, March 16, 2026

Ang siyam na kababaihang itinampok ng MET sa Buwan ng Kababaihan

ANG SIYAM NA KABABAIHANG ITINAMPOK NG MET SA BUWAN NG KABABAIHAN‎
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Linggo, Marso 15, 2026, ay nakita kong itinampok sa malalaking tarp sa labas at palibot ng Metropolitan Theater (MET) ang siyam na kababaihan, indibidwal at tribu para sa Buwan ng Kababaihan. Nagtungo ako sa MET upang dumalo sa mga aktibidad doon. Bago pumasok ay kinunan ko ng litrato ang mga tarp ng mga itinampok sa paligid ng MET ayon sa pagkakasunod. Ang mga itinampok na kababaihan ay sina:
‎1. CJ Opiaza 
‎2. Niana Guerrero 
‎3. Tessa Prieto-Valdes 
‎4. Bianca Denise Bustamante 
‎5. Cathy Garcia Molina 
‎6. Alex Eala 
‎7. T'boli Women
‎8. Fe Del Mundo 
‎9. Ifugao Women
Hindi ko kilala ang marami sa kanila, maliban kina Alex Eala at Dra. Fe Del Mundo. Kaya sinaliksik pa natin kung sino-sino sila at ano ang mga nagawâ nila at naiambag sa ating bansâ. Halos lahat ng saliksik na ito'y mula sa Wikipedia.

1. CJ Opiaza

Si Christine Juliane Hinkle Opiaza (ipinanganak noong Hulyo 8, 1998) ay isang modelo at nanalo ng Miss Grand International 2024. Siya ang unang Pilipinang tumangan ng nasabing korona. Nakipagkumpitensya rin siya sa Binibining Pilipinas noong 2022, ngunit hindi nakapasok sa pwesto, at naging first runner-up sa Miss Universe Philippines noong 2023.

2. Niana Guerrero

Si Niana Jose Evidente Guerrero (ipinanganak noong Enero 27, 2006) ay isang mananayaw at personalidad na sikat sa social media. Noong 2017, sumikat siya sa YouTube dahil sa kanyang "Despacito" dance cover at mula noon ay gumagawa na siya ng mga dance cover, lalo na kasama si Ranz Kyle. Noong Nobyembre 2019, sumali siya sa TikTok, kung saan karaniwan siyang nagpo-post ng mga dance video. Siya ang pinakasinusubaybayang personalidad sa TikTok sa Pilipinas, na umabot sa mahigit 40 milyong tagasunod.

‎3. Tessa Prieto-Valdes 

Si Maria Theresa Isabel "Tessa" Rufino Prieto-Valdes (ipinanganak noong Setyembre 1963) ay isang interior designer, socialite, kolumnista, at personalidad sa telebisyon na kilala sa kanyang magarbong personal na istilo sa fashion at sa kanyang gawaing pilantropo. Si Prieto-Valdes ay nagsusulat ng mga kolum para sa pamumuhay at lipunan para sa Philippine Daily Inquirer at isa sa mga nagtatag ng Red Charity Gala, isang taunang charity fashion gala sa Maynila. Lumabas din siya bilang isang personalidad sa media sa reality television at sa mga pelikula.

4. Bianca Denise Bustamante

Si Bianca Denise Bustamante (ipinanganak noong Enero 19, 2005) ay isang racing driver na makikipagkumpitensya sa Eurocup-3 para sa Palou Motorsport. Dati na siyang nakipagkumpitensya sa GB3 Championship, F1 Academy at W Series. Lumahok din siya sa mga sesyon ng pagsubok sa Formula E para sa McLaren at Cupra Kiro.

Noong Marso 2024, niraranggo ng kumpanya ng pagrenta ng sasakyan na Avis si Bustamante bilang pangatlo sa pinaka-maimpluwensyang babaeng racing driver na hindi taga-Europa; noong panahong iyon, mayroon siyang pinagsamang 2.2 milyong tagasunod sa Instagram at TikTok.

5. Cathy Garcia Molina 

Si Catherine Rosales Garcia-Sampana (dating Molina; ipinanganak noong Nobyembre 28, 1971) ay isang direktor ng pelikula at telebisyon na kilala sa pagdidirek ng mga pelikulang romantika komedya at dramang pampamilya na ginawa at ipinamahagi ng Star Cinema. Nagdirek din siya ng ilang serye sa telebisyon sa ABS-CBN, at isa sa mga residenteng direktor ng network. Siyam ba beses na pinakamataas na kita ang kanyang mga nagawang pelikula.

Una niyang asawa ang inhinyero at teknikal na direktor na si Philip Rey "Epoy" Molina (na namatay dahil sa isang aksidente sa sasakyan noong 2009) at may dalawang anak. Naging asawa naman niya ang cinematographer na si Louie Sampana.

6. Alexandra Eala

Si Alexandra Maniego Eala (ipinanganak noong Mayo 23, 2005) ay isang propesyonal na manlalaro ng tennis. Naabot niya ang pinakamataas na ranggo sa WTA singles na ika-29 na puwesto sa buong mundo noong Marso 16, 2026, na siyang dahilan kung bakit siya ang pinakamataas na ranggong Pinay sa kasaysayan ng WTA Tour. Siya rin ang unang Pinay na nakapasok sa top 30, kung saan tinalo niya ang maraming top-10 na manlalaro at mga pangunahing kampeon, at nakarating sa final sa Open Era.

Naabot ni Eala ang pinagsamang ranggo ng ITF junior na ika-2 na puwesto sa buong mundo noong Oktubre 6, 2020, at naging unang Pilipinang nanalo ng major junior title sa pamamagitan ng pag-angkin sa kategoryang girls' singles sa 2022 US Open.

7. T'boli women

Kasalukuyang naninirahan ng mga kababaihang T'boli sa mga dalisdis ng bundok sa magkabilang panig ng itaas na Lambak ng Alah at sa baybaying lugar ng Maitum, Maasim at Kiamba sa lalawigan ng Sarangani. Noong unang panahon, naninirahan ang mga T'boli sa itaas na palapag ng Lambak ng Alah. Pagkatapos ng Ikalawang Daigdigang Digmaan at pagdating ng mga naninirahan mula sa ibang bahagi ng Pilipinas, unti-unti silang naitulak sa mga dalisdis ng bundok, at halos napalayas mula sa matabang lupa ng lambak.

8. Fe Del Mundo

Si Fe Villanueva del Mundo OLD, ONS, GCGH (ipinanganak noong Nobyembre 27, 1911 – namatay noong Agosto 6, 2011) ay isang pedyatrisyan. Itinatag niya ang unang ospital ng mga bata sa Pilipinas at tumulong sa paghubog ng modernong sistema ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga bata sa bansa. Ang kanyang pangunguna sa larangan ng pedyatrya sa Pilipinas ay tumagal ng walong dekada.

Kinilala siya sa pandaigdigan, kabilang ang Ramon Magsaysay Award for Public Service noong 1977. Noong 1980, ginawaran siya ng titulong Pambansang Siyentipiko ng Pilipinas, at noong 2010, natanggap niya ang Order of Lakandula. Siya ang unang babaeng pangulo ng Philippine Pediatric Society at ang unang babaeng pinangalanang Pambansang Siyentipiko ng Pilipinas. Siya rin ang unang babaeng nahalal na pangulo ng Philippine Medical Association sa 65-taong kasaysayan nito, at ang unang Asyanong nahalal na pangulo ng Medical Women's International Association.

9. Ifugao Women

Ayon sa pananaliksik, ang babaeng Ifugao ay matalino. Wala silang tiyak na termino para sa maganda dahil sa Ifugao, ang kagandahan ay isinasabuhay. Ang isang babae ay pinakamaganda kapag siya ay kumikilos nang may layunin, lubos na nauunawaan ang kanyang pag-iral. May "sinaunang" kaalaman (katutubong kaalaman) sa pangangalaga sa likas na tanawin upang protektahan ang kapaligiran. https://www.facebook.com/groups/ICW4Kiphodan/posts/3032161386984575/ 

PAGPUPUGAY SA MGA KABABAIHAN

ako'y lubos na nagpupugay
sa lahat ng mga babae
sa lola, yaya, impo, inay
tita, hipag, ate, at ale

kayo'y kalahati ng mundo
at umugit nitong lipunan
kami nama'y mula sa inyo
dinala ng siyam na buwan

kaya di kayo dapat api
o pinagsasamantalahan
dahil nga sa inyo'y bumuti
ang pamilya't ang pamayanan

sa bawat babae, salamat
kay inay, maraming salamat

03.16.2026

May suloy na ang itinanim

MAY SULOY NA ANG TINANIM
‎hindi ako magsasaka
‎lalo't tagalungsod ako
‎kaya inaaral ko pa
‎ang mga itinanim ko
‎kagaya nitong sibuyas
‎na ulam ko na ang talbos
‎pagkat ito'y pampalakas
‎at lulusog ka pang lubos
‎tinanim lang sa bakuran
‎nitong tahanan sa lungsod
‎ngunit aking pakiramdam
‎ay sadyang nakalulugod
‎pagkat mayroon nang suloy
‎ang tinanim ko sa pasô
‎sana, di ito maluoy
‎at tuluyan nang lumagô
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.16.2026

* sa litrato, may tanim na kamatis sa tabi ng sibuyas

Sunday, March 15, 2026

Pagdalo sa Meet and Greet with National Artist Kidlat Tahimik

‎PAGDALO SA MEET AND GREET WITH NATIONAL ARTIST KIDLAT TAHIMIK
‎Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
‎Nakadalo ako kaninang umaga sa Meet and Greet with KIDLAT Tahimik sa bulwagan sa ikalawang palapag ng Metropolitan Theater (MET) at nagtungo rin sa kanyang eksibit na “Portraits of a National Artist as a Kultur Warrior” sa unang palapag ng MET. Binigyan ko siya ng tatlong aklat ko ng tulâ at salin, nagpa-autograph, at nag-selfie na rin sa kanya.
‎Dumating ako roon ng ikasampu ng umaga, at nag-umpisa na sila. Buti na lang at nakahabol ako, nasa bungad sila ng MET sa unang palapag. Tinalakay muna ng isang emcee ang kasaysayan ng MET. Kailan ito nagsimula? Sino ang mga iskultor? Ano ang mga batas hinggil sa MET? Kailan itinalagang pambansang tanghalan ang MET? Nang magtanong ang emcee kung may gustong magtanong, nagtaas ako ng kamay. Tanong ko ay ang tungkol sa dalawang iskultura o lilok sa magkabilang gilid ng hagdan sa bungad ng MET, at sinabi niyang sina Adan at Eba.
‎Matapos iyon ay nagtungo na kami sa isang malaking bulwagan sa ikalawang palapag ng MET, at doon ay nagtalakay si National Artist for Film Kidlat Tahimik hinggil sa kanyang ginagawang mga pangkasaysayang pelikula, tulad ng ipinalabas kaninang short film na pinamagatang "Memories of Overdevelopment: A Film on Progress" na hinggil kay Enrique de Malacca, isang katutubo. Para bang nais palabasin dito na hindi si Magellan ang unang nag-circumnavigate o nakaikot sa buong mundo dahil napatay siya ni Lapulapu kundi si Enrique mula sa Malacca.
‎Matapos ang may tatlumpung minutong palabas ay nagkaroon ng munting drama monologue si Kidlat Tahimik. Siya pala'y isang Buddhist kaya siya'y maikli ang buhok. Tinalakay rin niya ang ating katutubong konsepto ng kapwa. Lalo na ang kapwa psychology. Ibinilin niyang kung gagawa tayo ng pelikula ay hindi tayo dapat may agiw ng Hollywood sa ating kaisipan, kundi lingunin natin ang ating kasaysayan at ang ating mga kapatid na katutubo.
‎Nasa kalahating oras din iyon, at alas-onse ng umaga ay bumaba na kami at nagtungo sa exhibit ni Kidlat Tahimik. Malaking bulwagan iyon at puno ng kanyang mga ginawa, tulad ng lilok at pinta. Kinunan ng litrato ang ilan niyang gawâ at pumila upang magpapirma kay Kidlat Tahimik at mag-selfie sa kanya.
‎Nagpakilala ako at binigyan ko siya ng aking tatlong aklat, ang "Malayang Salin ng mga Tulâ ng mga Makatang Palestino", "Tula't Tuligsâ Laban sa Korapsyon", at "Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan". Maganda naman ang kanyang isinulat sa aking munting kwaderno: 
‎"Kay Bituin, 
‎Sana ang Indio Genius palagi nasa tula mo. 
‎Kidlat Tahimik."
Tinawag na Indio ng mga mananakop na Kastila ang mga Pilipino noon. Gayundin naman, ang Indio Genius ay paglalaro sa salitang indigenous o katutubo, na ibig sabihin, marami ring henyo sa mga katutubo, na dapat nating tularan at ipagmalaki.

Kaya ang isinulat na mensahe ng ating National Artist hinggil sa aking pagtulâ ay sadyang makabagbag damdamin. Ang payo niyang iyon ay tagos sa aking puso't isipan.
‎Alas-dose kinse na ako nakalabas doon at kumain sa turo-turo bago bumalik ng ala-una sa MET upang manood naman ng pelikulang Ekstra na pinagbidahan ni Vilma Santos.
KAY KIDLAT TAHIMIK
‎tulad ka ng kidlat na tatahi-tahimik
‎ngunit bituin kang sa sining natititik
‎ang mga likhang obra mo'y nakasasabik
‎sa mga bagong salinlahi'y inihasik
‎isa kang inspirasyon sa maraming tao
‎lalò sa masikhay na makatâ tulad ko
‎ang konsepto ng kapwa'y pinaliwanag mo
‎na ito'y umugit sa pagka-Pilipino
‎salamat sa payo mo sa aking pagkathâ
‎na Indio Genius sana'y lumitaw sa tulâ
‎susundin ko iyon sa pagtula't pagtudlâ
‎nang aking mga tula'y basahin ng madlâ
‎O, Kidlat Tahimik, sa iyo'y nagpupugay
‎ang naritong taguri'y makatâ ng lumbay
‎ang ipinayo mo'y isasapusong tunay
‎upang makata'y maging makatâ ng búhay
‎03.15.2026

Saturday, March 14, 2026

Parang gerilya akong nagbenta ng aklat sa Philippine Book Festival 2026

PARANG GERILYA AKONG NAGBENTA NG AKLAT SA PHILIPPINE BOOK FESTIVAL 2026
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakadalawang araw din ako sa apat na araw na Philippine Book Festival 2026, kahapon at ngayon (Marso 13-14) sa SM Megamall. Taon-taon basta may pagkakataon ay sasaglit ako sa anumang book festival, tulad nitong Philippine Book Festival (PBF) at Manila International Book Festival (MIBF) tuwing Setyembre. Sa Buwan ng Sining nitong Pebrero ay nakapagbenta rin ako sa ilang aktibidad.

Salamat at nakabenta rin ng tigatlo kong aklat doon sa ilang mga kakilala at kaibigang manunulat, kina Albert Banico ng 8Letters Publication at awtor ng librong "Ang Paghahanap kay Tapat", Edzel ng San Anselmo Publications, Jason ng Teachers Dignity Coalition (TDC) at may kasamang mga estudyante niya, at Joebert ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Ang tatlo kong libreto'y ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino", "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon", at "Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan". Pawang paksang pulitikal man ang mga nasabing aklat ay kinatha kong may sining ang mga paksa pagkat pawang mga tula.

Ang napagbentahan ko, imbes maipon, ay naibili ko ng mga klasikong aklat na mumurahin subalit kaygandang basahin, tulad ng "Suplungan ng mga Hayop" ng naging "Hari ng Balagtasan" na si Emilio Mar. Antonio, P100, 98 pahina; "Kalmot ng Pusa sa Tagiliran" na kalipunan ng mga tula ni Jim Pascual San Agustin, P100, 126 pahina; "Tatlong Kaisang Puso" ni Lakangiting Garcia, P50, 112 pahina; "Tilamsik ng Panitik" ni Rustica Carpio, P50, 170 pahina; "The Negating Fire and the Affirming Flame: American and Filipino Novels on the Pacific War" ni Elena P. Polo, P50, 164 pahina, at "Imagination's Way" ni National Artist for Literature Gemino H. Abad, P50, 128 pahina. 

Sabi ko nga sa sarili ko, ang ipangkakain ko na lang ay ibinili ko pa ng aklat. Subalit ganyan yata talaga ako, eh.

Pangarap kong magkapwesto rin sa ganoong mga festival ang matagal ko nang itinayong Aklatang Obrero Publishing Collective na humigit-kumulang dalawang dekada nang umiiral at siyang naglathala ng aking mga aklat mula pa noon. Para tuloy akong gerilya sa pagbebenta ng aklat. Walang pwesto subalit umaasang makabenta ng libro. Mabuti't may mga kaibigan tayong mahilig din sa aklat at panitikan at bumili ng tatlo kong libreto. Sa kanila, maraming salamat!

SALAMAT, MGA KAIBIGAN SA PANITIKAN
salamat sa mga katoto't kakilala
‎at sa Philippine Book Festival nakabenta 
‎ng tatlong klase ng aking libretong dala
‎hinggil sa Palestine, Korapsyon, at Hustisya
‎ang nangyaring ito'y di ko malilimutan
at bihirang maganap sa buhay ang ganyan
‎nagkita lang ng kakilala't kaibigan
sa book festival at sila na'y nabentahan

tila ba pinagtiyap ng pagkakataon
nang magkita kami sa ganitong panahon
mga mahilig sa aklat ay nagkatipon
awtor, makata at guro'y nagsama ngayon

ang ibinenta ko'y mga isyung pangmadla
pawang kalagayan ng api't mga dukha
lipunang makatao'y itayo't malikha
nang masa'y tamasahin ang nasang ginhawa

03.14.2026

Maligayang Pi Day sa lahat!

MALIGAYANG PI DAY SA LAHAT!
‎sa matematika, 3.14 ang numerong Pi
‎dahil diyan, ginawang Pi Day ang Marso Katorse
‎mula sa rasyo ng kumperensya ng bilog ang Pi
‎sa diyametro nito, ating suriing mabuti
‎sukat ng bilog, three point fourteen ang kinalabasan
‎di eksakto, tuloy-tuloy at infinite ang bilang
‎mahalaga ito sa mahihilig sa sipnayan
‎na magagamit sa pang-araw-araw na kabuhayan

kamatayan ni Karl Marx at kaarawan ni Einstein
ngayon ay International Day of Mathematics din
na tema ngayo'y "Mathematics and Hope", dinggin natin
mga aral ng sipnayan ay ating sariwain

sa mga sipnayanon o mathematician, tunay
akong nagpupugay sa inyo! mabuhay! mabuhay!
maligayang Pi Day, maglabas ng pie o tinapay
at ipagdiwang ang kahulugan ng Pi sa buhay!

- gregoriovbituinjr.
03.14.2026

* litrato mula sa google

Friday, March 13, 2026

Sa ika-11 Black Friday Protest ng 2026

SA IKA-11 BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

kay-init ng kanilang mga talumpati
laban sa imperyalismo at naghahari
dahil sa digmaan, nagtaasan ang presyo
ng pangunahing bilihin tulad ng krudo

di lang simpleng "Ikulong ang mga kurakot!"
kundi "Itigil ang panggigera ng buktot!"
sa ngalan ng imperyo ay nais manakop
ng Estados Unidos, bansa'y nilulusob

inuna nilang sakupin ang Venezuela
nais nilang isunod ang Greenland at Cuba
ngayon ay dinigma naman nila ang Iran
tumindi ang labanan sa Gitnang Silangan

malayo tayo, malayo ang Pilipinas
ngunit apektado tayo sa pandarahas
ng imperyalistang bansang nais maghari
sa mundo, dapat imoeryalismo'y mapawi

kapayapaan para sa buong daigdig
magkaisa nang imperyalismo'y madaig
labanan natin ang pandarahas ng impe
makataong sistema'y dapat ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
03.13.2026 (Friday the 13th)

Rebolusyonaryo tulad ni Bonifacio - tanaga baybayin

isang rebolusyonaryo
tulad ni Bonifacio
ganyan kung ituring ko
ang yakap na prinsipyo

- gbj/03.13.2026
tanaga-baybayin

Thursday, March 12, 2026

Awit sa bulalakaw

AWIT SA BULALAKAW
‎nagising ng madaling araw
‎nang makita ang bulalakaw 
‎animo'y mapulang balaraw
‎yaong sa langit ay lumitaw
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.12.2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na:

Mga buwayang walang buntot

MGA BUWAYANG WALANG BUNTOT
‎mapanlinlang at mapag-imbot
‎iyang mga trapong kurakot
‎sila'y buwayang walang buntot
‎na sa masa'y hirap ang dulot
‎panagutin ang mga buktot
‎sa sistema nilang baluktot
‎panagutin lahat ng sangkot
‎sa ginawang pangungurakot
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.12.2026

* litrato mula sa google

Wednesday, March 11, 2026

Awit sa sinta

‎AWIT SA SINTA
‎ang pagmamahal ko'y hanggang langit
‎ikaw lang ang pinakaiibig
‎alaala't larawan mo'y bitbit
‎sa aking pusò, diwà at bisig
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.11.2026 
‎(9th death monthsary ni misis)

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://fb.watch/FNaYFCCEhc/ 

Sa ika-9 na death monthsary ni misis

SA IKA-9 NA DEATH MONTHSARY NI MISIS
‎siyam na buwan na pala ang nakalipas
‎kaybilis ng panahon, pag-ibig kong wagas
‎para bang kailan lang, kausap lang kita
‎ngunit ngayon, ikaw na'y nasa alaala
‎dalawampu't walong doktor, nasa talaan
‎at silang sumuri sa iyong karamdaman
‎ngunit wala silang nagawâ, walâ, walâ!
‎hanggang kunin ka na sa amin ni Bathalà
‎nasa gunitâ ko lagi ang iyong ngiti
‎at inspirasyon kita sa bawat kong mithi
‎tulâ man o pagkathâ ng kwento't nobela
‎o kaya'y pagtipâ sa bagting ng gitara
‎O, aking diwatà, magkikita rin tayo
‎ilang taon pa, at ako na'y nasa dulo
‎ng tulay na tahak kong pagkahabà-habà
‎habang dala ko'y mga nagawâ kong akdâ
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.11.2026

Tuesday, March 10, 2026

Payò sa panaginip

PAYÒ SA PANAGINIP

kagabi'y napanaginipan ka
payo'y gamitin ko ang gitara
aking mga tula'y gawin kong kanta
bakasakaling dito magkapera

batid mong walang salapi sa tulâ
kahit tambak-tambak ang aking kathâ
salamat sa payo, sintang diwatà
tumutulong kahit ikaw na'y walâ

salamat sa gitara mong binili
at sa akin, ito'y magkakasilbi
aawitin yaong tinig ng api
lalo't sa bayan alay na'y sarili

salamat, sinta ko, sa iyong payò
bagamat yaring puso'y nagdurugô

- gregoriovbituinjr.
03.10.2026

Sunday, March 8, 2026

Sa pagitan ng mga ilaw

SA PAGITAN NG MGA ILAW
‎sa pagitan ng mga ilaw
‎narito'y tibak ng lansangan
‎na nadarama'y pamamanglaw
‎nasa diwa'y "bakit ba ganyan?"
‎patuloy ang pangungurakot
‎ng trapong ibinoto ninyo!
‎patuloy ang sistemang buktot
‎kailan pa ang pagbabago?
‎ngunit tuloy ang pangangarap
‎ng isang sistemang parehas
‎na walang trapong mapagpanggap
‎itatayo'y lipunang patas
‎kayâ tara, mga kasama
‎patuloy na mag-organisa
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.08.2026 (International Women's Day)

* selfie pataas sa UP Film Center, 03.06.2026

Pag nanalo pa iyang bastos sa halalan

PAG NANALO PA IYANG BASTOS SA HALALAN

pag nanalo pa iyang bastos sa halalan
ay baka bulag na ang kanyang mamamayan
hinayaang bastusin ang kababaihan
ayuda'y pikitmatang tatanggapin na lang

mabuti na lang, Anne Curtis, palaban ka rin
pagkat di mo hahayaang kayo'y bastusin
ng trapong sa babae'y kaybaba ng tingin
trapong asal-manyak kung ating iisipin

maraming salamat, Anne, at nanindigan ka
laban sa mambabatas kuno, bastos pala
laban sa isang mapanirang kongresista
laban sa pulitikong dapat ibasura

larawan ng ating ina bawat babae
dapat respetuhin, mayaman man o pobre
ibagsak sa botohan ang trapong salbahe
trapong ilampaso anuman ang mangyari

- gregoriovbituinjr.
03.08.2026 (International Women's Day)

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 03.08.2026

Saturday, March 7, 2026

Dalawang sine hinggil sa Philippine-American War

DALAWANG SINE HINGGIL SA PHILIPPINE-AMERICAN WAR
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kahapon, Marso 6, 2026, ay napanood ko ang dalawang dokumentaryo / pelikula hinggil sa Digmaang Pilipino-Amerikano, lalo na ang Bud Dajo massacre. Talagang inabangan ko ito. Ang dalawang ito'y ang Memoirs of a Forgotten War, at ang Cinemartyrs. Ang direktor ay si Sari Dalena. Nabanggit na ika-120 anibersaryo ng Bud Dajo massacre ng araw na iyon.

Mula sa isang presscon na pinamagatang "Defending the Defenders" na hinggil sa karapatang pantao, ay agad kong hinabol ang nasabing historical dokyu. Alas-kwatro ang simulâ kayâ alas-tres pa lang ay umalis na ako sa 1-4pm na presscon. Marahil, naisip ng ilang kasama, bakit kaya ako nagmamadaling umalis? Tantiya ko kasi, kahit malapit lang, ay baka maleyt ako dahil sa trapik.

Dumating ako sa Cine Adarna ng ika-4:10 ng hapon. Naabutan ko pa ang pamagat na War. Di na ako dyuminggel at naghanap na ng mauupuan sa madilim na sinehan. Nagsimula ang Memoirs of a Forgotten War sa pagtalakay ng isang banyagang ang tinig ay babae. Sinalaysay ang ilang pangyayaring naganap noong Philippine-American War sa Ilocos at sa Patikul.

Naging matingkad sa akin ang paglusob ng pulutong ng kababaihan sa mga sundalong Amerikano sa isang labanan. Patay silang lahat, pati ang lider nilang animo'y Kristo ang kaanyuan.

Libre o Free Admission ang Memoirs of a Forgotten War, na isang oras din, habang may bayad naman ang Cinemartyrs, na higit dalawang oras naman. P200 ang regular habang P150 ang senior / PWD / student. Naglabas ako ng P150 at ibinayad na sabi ko, hindi regular, kundi pultaym na aktibista. Itatanong daw muna, subalit pumayag na rin at binigyan ako ng tiket.

Bihira akong makapanood ng sine o dokumentaryo hinggil sa Philippine-American War, habang kayrami ng pelikula hinggil kina Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, at iba pang nakibaka laban sa mananakop sa Luzon. Kaya ang panonood ng dalawang pelikulang ito ay di ko na pinakawalan.

6:30 pm, pinapasok na kami para sa Cinemartyrs. Tahimik akong umupo at nanood. Binuksan iyon sa eksena sa isang lugar marahil ay sa Intramuros na kapis pa ang mga bintana. Pinakita ang pagkuha sa isang eksenang pinalabas na sa Memoirs of a Forgotten War na una kong napanood ng hapong iyon. Si Angel Aquino na ang gumanap sa babaeng may hawak na sanggol habang sumugod muna ang maraming kababaihan sa pulutong ng mga sundalong Amerikano, pinagbabaril, hanggang sila'y nangaubos. Lumaban noon ang mga kababaihan para sa dignidad at kalayaan ng bayan laban sa mga mapaniil na mananakop. Napanood habang dalawang araw na lang ay Araw na ng mga Kababaihan.

Pinakita rin ang sitwasyong kausap ng direktor na babae ang tatlong tagasuri para sa NCCA grant. Dapat daw hindi Luzon-centric ang kanyang pelikula kundi pinapunta siya roon sa Mindanao. Kaya nagpasiya siyang pumunta, kasama ang kanyang pangkat, sa Mindanao, partikular sa Patikul, Sulu, kung saan naroon ang Bud Dajo, isang matarik na kabundukan.

Nakausap pa niya ang lider ng mga sundalo, na pinakiusapan niyang sumama na rin sa pelikula. Nakarating ang pangkat sa Bud Dajo at nakausap ang mga elder at residente roon. Sa isang eksena, sinabihan silang bawal daw mag-utos ang babae sa lalaki. Kaya ang ginawa ng direktor ay kinausap ang panganay na anak ng isang elder upang siyang mag-utos sa mga gaganap.

Ayon kay Direk, pag tinapik niya sa balikat ang lalaki, ibig sabihin, magpatuloy na sa pag-arte, o kaya'y tapos na, "cut".

Araw pala ng kasalan ng dalawang Tausug nang maganap ang paglusob at pambobomba ng mga Amerikano sa Bud Dajo. Marami ang namatay sa kanila. Subalit sa pagsasaliksik ko, walang binanggit ang mga reporter na Kano sa nasabing kasalan, at binabanggit lang ay maraming moro ang kanilang kalaban. Buti't ipinakita iyon sa nasabing pelikula, kung ano talaga ang naganap.

Matapos ang eksena, ang babaeng umaktong ikakasal sana ay tila nasapian, at marami ang tumulong sa kanya, pati mga elder. Tatlo pang lalaki ang gayon din ang dinanas, pati na si direk. Hanggang makabalik na ang babae sa kanyang sarili. Sabi niya, "hindi n'yo ba nakikita, nariyan sila."

Nagpapasalamat ang mga katutubomg Tausug dahil naranasan umano nila ang dinanas ng kanilang mga ninuno, bagamat sa pelikula lamang. Matapos ang palabas ay nagkaroon ng panayam sa mga nagsiganap, pati kay Direk. Pagpupugay sa lahat ng gumawa ng mga dokumentaryo at pelikulang iyon!

Pumasok ako ng 4pm, lumabas bandang alas-nuwebe pasado na. Higit limang oras man, nagutom man, subalit talagang sulit pagkat napanood ko ang dalawang makasaysayang palabas na ito. Sadya akong nappapasalamat at nagpupugay.

DALAWANG SINE HINGGIL SA FIL-AM WAR

dalawang makasaysayang sine
ang aking pinanood kagabi
sadyang yumanig sa aking diwà
ang anibersaryo ng gunitâ

nang nanood sa U.P. Film Center
patungkol sa Bud Dajo massacre
kasabay ng petsang Marso Anim
ang isang kabanatang malagim

sineng Memoirs of a Forgotten War
pati ang Cinemartyrs, nilahad
sa dalawang pelikulang iyon
gunita't historya ng kahapon

kayraming babae ang namatay
Katipunerang lumabang tunay
sa mga sumakop at sumiil
sa bayang nais nilang makitil

dalawang sineng sadyang kaiba
na Fil-Am War ang tinalakay na
pagpupugay sa kanilang lahat
sa sine't temang sadyang kaybigat

03.07.2026

Awit ng tibak na Spartan

AWIT NG TIBAK NA SPARTAN nakikibaka't palaban kaming tibak na Spartan na misyong itayo naman ang makataong lipunan - gregoriovbituinjr. ...